Skip to main content

Florante at Laura- "Kabanata 2: Ang Binata sa Puno ng Higera"

 "ANG BINATA SA PUNO NG HIGERA"

1 Sa may gitnâ nito mapanglaw na gubat
may punong Higuerang daho’y kulay pupás,
dito nagagapos ang kahabag-habag
isang pinag usig ng masamang palad.
 
2 Bagong taong basal, na ang anyo’t tindig
kahit natatalì kamay, paá’t liig
kundî si Narciso’y tunay na Adonis
mukha’y sumisilang sa gitnâ ng sákit.
 
3 Makinis ang balát at anaki’y burok
pilikmata’t kilay mistulang balantók
bagong sapóng ginto ang kúlay ng buhók
sangkáp ng katawa’y pawang magkaayos.
 
4 Dangan doo’y walang Oreadang Ninfas,
gúbat na Palasiyo ng masidhing Harpías,
nangaawa disi’t na akay lumiyag
sa himaláng tipon ng karikta’t hirap.
 
5 Ang abáng uyamin ng dálita’t sakit
ang dalawang mata’y bukál ang kaparis,
sa lúhang nanaták, at tinangis-tangis
ganito’y damdamin ng may awang dibdib.
 
6 Mahiganting langit, bangis mo’y nasaan?
Ngayo’y naniniig sa pagkágulaylay
Bago’y ang bandilà ng lalong kasamaan 
sa Reynong Albanya’y niwawagayway.
 
7 Sa loob at labás, ng bayan kong sawî
kaliluha’y siyang nangyayaring harî
kagalinga’t bait ay nalulugamî
ininís sa hukay nang dusa’t pighatî.
 
8 Ang magandang asal ay ipinupukól
sa láot ng dagat ng kutya’t lingatong
balang magagalíng ay ibinabaón
at inililibing na waláng kabaong.
 
9 Nguni’t ay ang lilo’t masasamang loób
sa trono ng puri ay iniluluklok
at sa balang sukáb na may asal hayop
mabangong insenso ang isinusuob.
 
10 Kaliluha’t sama ang úlo’y nagtayô
at ang kabaita’y kimi’t nakayukô,
santong katuwira’y lugamì at hapô,
ang lúha na lamang ang pinatutulô.
 
11 At ang balang bibíg na binubukalán
nang sabing magalíng at katutuhanan
agád binibiyák at sinisikangan
nang kális ng lalong dustáng kamatayan.
 
12 O! taksíl na pita sa yama’t mataás!
O! hangad sa puring hanging lumilipas!
ikaw ang dahilan ng kasamaang lahat
at niyaring nasapit na kahabághabág.
 
13 Sa Korona dahil ng haring Linceo
at sa kayamanan ng Dukeng Amá ko,
ang ipinangahás ng Konde Adolfo
sabugan ng sama ang Albanyang Reyno.
 
14 Ang lahát nang itó, maawaing langit
iyóng tinutungháy anó’t natitiis?
mula ka ng boong katuwira’t bait
pinapayagan mong ilubóg ng lupít?
 
15 Makapangyarihang kánan mo’y  ikilos,
papamilansikín ang kális ng poot,
sa Reynong Albanya’y cúsang ibulusok
ang iyóng higantí sa masamáng loob.
 
16 Bakit kalangita’y bingí ka sa akin
ang tapat kong luhog ay hindi mo dingín?
dí yata’t sa isang alipusta’t ilíng
sampong tainga mo’y ipinangungulíng?
 
17 Datapwa’t sino ang tatarók kaya
sa mahál mong lihim Dios na dakilà?
waláng mangyayari sa balát ng lupà
dì may kagalingang iyóng ninanásà.


Comments

Popular posts from this blog

Florante at Laura- "Kabanata 1: Sa Madilim na Gubat"

    "SA MADILIM NA GUBAT" 1 Sa isang madilím gúbat na mapanglaw dawag na matinik, ay waláng pagitan, halos naghihirap ang kay Pebong silang dumalaw sa loob na lubhang masukal.   2 Malalaking kahoy ang inihahandóg pawang dalamhati, kahapisa’t lungkot huni pa ng ibon, ay nakalulunos sa lalong matimpi’t nagsasayáng loob.   3 Tanáng mga baging, na namimilipit sa sangá ng kahoy, ay balót ng tinik may bulo ang bunga’t nagbibigay sákit sa kangino pa máng sumagi’t málapit.   4 Ang mga bulaklak ng nag tayong kahoy pinakapamuting nag-ungós sa dahon pawang kulay luksa, at nakiki ayon sa nakaliliyong masangsang na amoy.   5 Karamiha’y Ciprés at Higerang kutád, na ang lilim niyaón ay nakasisindák ito’y walang bunga’t daho’y malalapad, na nakadidilím sa loob ng gubat.   6 Ang mga hayop pang dito’y gumagalâ Karamiha’y Sierpe’t Baselisco’y madla, Hiena’t Tigreng ganid na nagsisisila, ng búhay ng tao’t daigíng kapwa.   7 Ito’y gúbat manding sa pinto’y malap...

Florante at Laura- "Kay Selya"

  "KAY SELYA" 1 Kung pagsaulan kong basahin sa isip ang nakaraang araw ng pag-ibig, may mahahagilap kayang natititik liban na kay Selyang namugad sa dibdib 2 Yaong Selyang laging pinanganganiban baka makalimot sa pag-iibigan; ang ikinalubog niyaring kapalaran sa lubhang malalim na karalitaan.   3  Makaligtaan ko kayang di basahin nagdaáng panahón ng suyuan namin? Kaniyang pagsintáng ginugol sa akin at pinuhunan kong pagod at hilahil?   4  Lumipas ang araw na lubhang matamis at waláng nátira kundi ang pag-ibig , tapat na pagsuyong lalagi sa dibdib hanggang sa libingan bangkay ko’y maidlip.   5  Ngayong namamanglaw sa pangungulila ang ginagawa kong pag-aliw sa dusa nagdaang panaho’y inaala-ala, sa iyong larawa’y ninitang ginhawa.   6  Sa larawang guhit ng sa sintang  pinsel kusang inilimbag sa puso’t panimdim, nag-íisang sanláng naiwan sa akin at di mananakaw magpahangang libing .   7  Ang kaluluwa ko’y kusang dumadalaw sa lan...